LEGAZPI CITY- Naniniwala ang ilang grupo ng mga magsasaka na kaya pang maibaba ang presyo ng imported rice matapos ang implementasyon ng P58 maximum suggested retail price.
Ayon kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mataas pa rin ang naturang presyo sa kabila ng pagbaba ng taripa ng hanggang 15%.
Paliwanag ng opisyal na dapat babaan ng nasa P5 hanggang P6 ang presyo ng bigas.
Kung mangyayari ito ay nasa P52 na lamang ang presyuhan sa pamilihan na makakatulong sa mga mamamayan.
Ayon kay Montemayor na malaki pa rin ang kita ng mga traders dahil sa natitipid nila sa ibinabayad na taripa.
Tila napapaboran lamang umano ang mga traders sa mga hakbang ng pamahalaan habang patuloy na nahihirapan ang mamimili.
Samantala, iginiit ni Montemayor na dapat na mapanagot rin ang mga patuloy na nagsasamantala sa presyuhan ng bigas sa bansa.