LEGAZPI CITY – Pahirapan pa sa pagbangon ang sektor ng turismo sa bayan ng Baras na itinuturing na “Tourism Capital” ng Catanduanes dahil sa coronavirus pandemic na sinabayan pa ng serye ng mga bagyo.
Inihayag ni Baras MDRRMO head Engr. Khalil Tapia sa Bombo Radyo Legazpi, malaki ang tinamong pinsala ng mga tourist destinations sa bayan, partikular na sa pagtama ng Bagyong Rolly.
Nasa P1.2 million ang halaga ng pinsala sa access road sa popular na surfing point na Puraran Beach habang iginupo rin ang mga istruktura sa resorts.
Bukod pa sa sikat na surfing destination, nagtamo rin ng pinsala ang Binurong Point na sikat na trekking site sa mga brokenhearted maging ang Balacay at Abihao Points.
Nabatid naman mula kay Tapia na sa Baras pa lamang, umaabot na sa 50, 000 na domestic at foreign tourists ang bumibisita sa bawat taon.
Madalas rin na sa kanilang lugar nakalinya ang mga international events at surfing competition.
Subalit, maaaring abutin pa umano ng hanggang second quarter ng susunod na taon ang unti-unting pagbangon ng turismo sa island province.
Sa ngayon, nakatanggap na ng food assistance ang mga apektadong empleyado ngunit apela pa rin ang agarang tulong sa pagpapatayo ng mga istruktura at daanan upang muling makapagbukas ang industriya.