LEGAZPI CITY – Nagpatupad na rin ng total lockdwon ang Tabaco City matapos ang kumpirmasyon ng Department of Health Center for Health and Development (DOH-CHD) Bicol na tatlo na ang positibong kaso ng coronavirus (COVID-19) sa rehiyon.
Mula kaninang alas-12:01 nang madaling araw, Marso 28 ang pagsarado ng borders ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro, ipagbabawal na ang pagpasok ng mga hindi residente sa lugar subalit papayagan ang mga pagdaan ng mga government officials, frontliners, health workers at produktong medisina at pagkain.
Papayagan lamang lumabas ang mga residente kung bibili ng pagkain at gamot na batay sa itatakdang oras sa mga barangay.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan na bibilhin ang mga produktong agrikultura kaya’t hindi muna ilalabas sa lungsod.
Pinaigting rin ang pagbabawal sa mass transport, curfew hours na mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga, social distancing at pagsusuot ng face mask.
Payo pa ni Mayor Krissel na maging kalmado, alerto, responsable at disiplinado lalo na ang pagsunod sa mga ipinatutupad na hakbang ng pamahalaan.
Sa ngayon, nasa higit 2, 000 ang Persons Under Monitoring (PUM) sa Tabaco habang wala namang naitalang Persons Under Investigation (PUI).