LEGAZPI CITY – Hindi pa rin makapaniwala sa ngayon ang Bicolano artist na tubong Catanduanes matapos na kumalat sa social media ang mga obrang inspirasyon ang mga kilalang personalidad na iginuhit sa tissue paper.

Aksidente kung ituring ni Paul Tindugan ang pagkalikha ng mga ito at bunga ng hamon na makagawa ng detailed artworks sa malambot at mabilis mapunit na tissue.

Salaysay ni Tindugan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pabalik na sa Maynila mula sa pag-judge sa isang kompetisyon nang makita sa bag ang mga naturang tissue at bilang pasasalamat, iginuhit nito ang dalawang mataas na opisyal sa Catanduanes.

Umabot naman ng tatlo hanggang apat na oras ang pagguhit ni Tindugan kay Manoy Eddie Garcia sa kasagsagan ng pagdadalamhati sa kamatayan nito habang na-inspire umano sa mga pagbabagong ginagawa ni Mayor Isko Moreno sa Maynila kaya’t naging subject rin ng artwork.

Laking gulat umano nito nang mag-viral ang mga gawa habang marami na ring nais na magpa-sketch o bumili ng artworks.

Wala namang balak sa ngayon si Tindugan na ipagbili ang mga ito subalit lubos umanong masisiyahan kung maiabot ang mga gawa sa naging subjects.

Siyam na taong gulang nang mahilig sa pagguhit si Tindugan habang 2016 nang buuin ang grupong CAMOT na kinabibilangan ng mga Catanduanes Artists.