Nasawi ang 14-anyos na tigre sa Columbus Zoo sa Ohio dahil sa komplikasyon nang tamaan ng COVID-19.
Nagkaroon umano ng pneumonia ang tigreng pinangalanang “Jupiter” dahil sa COVID-19 virus.
Ayon sa pamunuan ng zoo, Hunyo 22 nang makaramdam ng sintomas ang tigre.
Nawalan umano ng ganang kumain at hindi rin gaanong tumatayo o gumagalaw.
Isinailalim din sa pagsusuri ng tigre kung saan nakumpirma ang pagpositibo sa COVID-19.
Naging pahirapan ang gamutan dahil may iba pang sakit na dinaramdam ang tigre.
Si Jupiter ang pinakaunang hayop sa nasabing zoo na binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Inabisuhan din ang mga staff sa mahigpit na pagsunod sa health protocols lalo na sa pagsusuot ng face mask kung nakikipag-ugnayan sa mga alagang hayop sa zoo.