LEGAZPI CITY- Kinuwestyon ng grupo ng mga magsasaka ang timing ng Department of Agriculture sa pag-aangkat ng sibuyas.
Ayon kay Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na maganda ang layunin ng tanggapan na mapigilan ang posibleng pagtaas ng presyo ng sibuyas subalit hindi ito dapat isabay sa panahon ng pagsisimula ng anihan.
Paliwanag ng opisyal na sa ikatlong linggo ng Pebrero ay inaasahan na magsisimula na ang pag-ani ng mga lokal na magsasaka ng kanilang pananim na sibuyas.
Ayon sa grupo na dapat na iayon sa tamang panahon ang planong pag-aangat upang hindi maagrabyado ang mga magsasaka.
Dagdag pa ni Montemayor na ang maagang anunsyo ng Department of Agriculture ay posibleng samantalahin ng mga traders sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na produksyon sa murang halaga dahil mayroon namang inaasahang importasyon.
Katunayan, nabatid na inirereklamo na ng ilang mga magsasaka ang pagbaba ng farmgate price ng sibuyas sa ilang mga lugar sa bansa na dating P100 kada kilo subalit ngayon ay nasa P85 hanggang P90 kada kilo na lamang.