LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng paglilibot ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga evacuation centers sa Albay upang mamigay ng libreng livelihood training sa mga residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay TESDA Albay Provincial Director Ruth Dayawen, nasa 10 evacuation centers na ang napuntahan ng kanilang team, kung saan tinuruan ang mga evacuees ng mga kaalaman na magagamit para sa pangkabuhayan.

Kasama sa training na ibinigay ng tanggapan ay baking, paggupit ng buhok, pagluluto at iba pa.

Aniya, magagamit ng mga residente ang naturang mga kaalaman sa pagtayo ng kabuhayan kung sakaling bumuti na ang sitwasyon ng bulkan at makabalik na sa kanya-kanyang bahay.

Maliban pa rito, malaking tulong din programa upang malibang at mabawasan ang stress na nararanasan ng mga evacuees.