LEGAZPI CITY – Pabor sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang temporary travel ban na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hubei province kung saan naroon ang Wuhan City at iba pang lugar sa China na apektado ng 2019-novel coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP, umaabot sa nasa 20 flights bawat araw sa Kalibo International Airport pa lamang, ang wala nang biyahe mula sa China.
Una na rin aniyang naglabas ng abiso ukol dito.
Ayon pa kay Apolonio na bago pa man nagkaroon ng temporary ban, nagkansela ng biyahe ang ibang airlines company dahil paunti-unti na aniyang nalulugi.
Nagbigay na rin ng mga yellow card o medical form sa mga paliparan ang Bureau of Quarantine para sa record ng mga pasahero kung saang bansa nagmula upang ma-trace sakaling makasama sa mga nahawaan ng coronavirus.
Tiniyak pa nitong lahat ng quarantine officials sa paliparan ang nakaalerto upang makasiguro na hindi kakalat ang naturang virus.