LEGAZPI CITY – Inilahad ng Commission on Population (POPCOM) na may magandang epekto ang ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon sa tinitingnang pagbaba ng teenage pregnancy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay POPCOM Executive Director V Usec. Juan Antonio Perez, karaniwang nangyayari umano ang early sexual contact na dahilan ng maagang pagbubuntis ng ilang kabataan sa bahay tuwing umaalis ang mga magulang.
Subalit dahil inabisuhan ang lahat na manatili sa mga bahay, posible umanong makatulong ito upang maiwasan ang teenage pregnancy lalo na sa mga maagang nakikipagrelasyon.
Sa mga ganitong sitwasyon, mas nababantayan rin ng mga magulang ang mga anak.
Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga magulang na bantayan ang mga anak at tulungan sa pagharap sa mga pagbabagong nararanasan sa buhay.