LEGAZPI CITY – Inihayag ngayon ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na tatlong pasyente ang inoobserbahan at mino-monitor matapos na makitaan ng ilang sintomas na iniuugnay sa novel coronavirus.
Pawang Pinoy aniya ang mga ito kung saan dalawa ang may travel history sa bansang may mga kumpirmadong kaso ng nCoV habang ang isa ay nagkaroon ng “direct contact” sa dalawa.
Sa ipinadalang mensahe ni BRTTH Bicol Director Dr. Butch Rivera sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi News Team, nilinaw nitong hindi pa kumpirmado kung ibibilang ang mga pasyente sa persons under investigation (PUI) dahil sa naturang virus.
Tanging Department of Health (DOH) lamang aniya ang makakapaghayag nito.
Inilagay na ang naturang mga pasyente sa isolation ward ng pagamutan batay na rin sa DOH protocol.
Sinabi pa ni Rivera na upang makatiyak, kumuha na rin sila ng specimens para sa kaukulang pagsusuri.
Samantala, siniguro ni Rivera na handa ang BRTTH na isa sa tatlong malalaking pagamutan sa Bicol sa pagpapatupad ng mga hakbang ukol sa coronavirus.
Una na ring inilagay sa Blue Alert status ang buong Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) para sa paghahanda at alerto sa anumang sitwasyon.