LEGAZPI CITY—Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Esperanza Municipal Police Station sa Barangay Poblacion, Esperanza, Masbate.

Ayon kay Esperanza Municipal Police Station Chief of Police Major Joericson Sangalang, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang mga sumuko na sina “Dingdong,” “Ting” at “Manman,” at kapwa mga miyembro ng local unit ng CTG sa pangunguna ni Rogelio Suson alyas “Ka Manong”.

Batay sa salaysay ng nasabing mga indibidwal, nakita nila umano ang mga programa ng gobyerno sa pagtulong sa mga sumukong rebelde kaya nagdesisyon silang sumuko na sa kanila at magbagong buhay.

Dagdag pa nito na nasa halos 10 taon nang sangkot sila sa naturang teroristang grupo.

Ayon pa kay Sangalang, isinuko rin ng mga ito ang isang .38 caliber revolver na may mga bala at isa pang baril ng kaparehong uri ng baril.

Samantala, patuloy din ang panawagan ng opisyal sa mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group na kusang sumuko na sa gobyerno at piliin ang bagong pag-asa at mapayapang buhay.

Aniya, bukas ang gobyerno at mga awtoridad sa pagtulong sa mga boluntaryong sumuko para sila ay magbagong-buhay.