LEGAZPI CITY- Pagkalulong sa online sabong ang itinuturong dahilan ng tatlong mga kalalakihang hinuli ng mga otoridad kung bakit nagawa ang panghoholdup sa isang convenience store sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Philip Nathaniel Buenaventura ang hepe ng Sto. Domingo MPS, ngayong linggo ng mangyari ang panghoholdup sa convenience store kung saan nasa P4,000 na kita ng tindahan ang nakuha ng mga suspek.
Sa isinagawang follow up operation ng mga otoridad, agad na nahuli ang suspek na si Arnulfo Bandola sa Barangay Sta. Misecordia na suot pa ang damit ng gawin ang krimen.
Umamin naman ito sa nagawang krimen at itinuro na rin ang mga kasamahang sina James Cobilla at Celzo Teodorico na parehong nahuli sa Barangay Baclayon at Banao ng bayan ng Bacacay.
Narekober sa mga suspek ang sumpak at pellet gun na ginamit sa pangho-holpup maging ang isa sa sinakyang motorsiklo na nabatid na carnap pala.
Sa imbestigasyon ng PNP, lumalabas na nagawa ng mga suspek ang krimen dahil wala ng maipantaya sa online sabong, habang nakumpirma na ito rin ang mga suspek sa naunang insidente ng pangho-holdup sa bayan ng Bacacay.