LEGAZPI CITY – Anim na panibagong nagpositibo sa coronavirus disease ang naitala sa Bicol kabilang na ang tatlong health workers.
Sa gayon, pumalo na rin sa 34 ang kabuuang bilang ng nakumpirmang positibo sa sakit.
Ayon sa Department of Health (DOH) Bicol, health worker mula sa Naga City ang 25-anyos na may local ID code na Bicol #29.
Pinakaunang kaso naman sa bayan ng Camalig, Albay si Bicol #32 na isang 40-anyos na lalaki at health worker.
43-anyos na babae mula sa Guinobatan ang ikalimang health worker sa Bicol na tinamaan ng sakit na may local ID code na Bicol #33.
Nagpakonsulta ang mga ito noong Abril 21 subalit hindi nakitaan ng mga sintomas sa COVID-19 kaya’t pinag-aaralan pa ang history of exposure.
Samantala, pawang mula sa Legazpi City sina Bicol #31 na isang 19-anyos na lalaki na naging close contact ni Bicol #20 at ang 33-anyos na babae na si Bicol #34.
Nagko-contact tracing na sa ngayon ang mga nakakasakop na lokal na pamahalaan sa mga naturang kaso habang patuloy naman ang abiso sa mga kababayan na manatili sa bahay at sumunod sa mga protocols.