LEGAZPI CITY – Tatlong katao ang natukoy na positibo sa ipinagbabawal na droga matapos ang inilunsad na surprise inspection sa mga terminal sa Bicol na bahagi ng Oplan Harabas.
Nasa 13 enforcers ng Land Transportation Office, 45 agents ng Philippine Drug Enforcement Agency, apat na pulis at apat rin mula Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) an inilatag sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO Bicol Regional Director Francisco Ranches Jr., mula ang mga nagpositibo sa 154 na drug tests na isinagawa.
Dalawa sa mga ito ang bus drivers na nagpositibo sa paggamit ng shabu at isang tricycle driver na positibo rin sa paggamit ng marijuana.
Inendorso na ang mga ito sa mga ahensya pang nakakasakop para sa confirmatory test.
Wala namang nagpositibong jeepney at UV express drivers.
Samantala, tuloy-tuloy ang inspection ng LTO Bicol upang mapangalagaan ang seguridad, hindi lamang ng mga driver kundi mismong mga pasahero lalo na ngayong Semana Santa.