LEGAZPI CITY- Kasabay ng aabot sa 60 dekada na pagbabalita at paghahatid serbisyo ng Bombo Radyo Philippines ay ang pag-aalala sa ilang mga naging sandigan at naging parte ng kasaysayan ng network.

Kabilang sa mga ito si Bombo Eddie Suede na pinaka unang Bombo Hanay sa Tanghali anchorman sa DYFM Bombo Radyo Iloilo.

Matatandaan na kahapon, Hunyo 6 ay ipinagdiwang ng Bombo Radyo Philippines ang ika-58 na anibersaryo nito.

Kwento ng anak nito na si Bombo International Denmark Suede na ang kaniyang ama ang nasa likod ng trademark na ‘Bombo’ at siyang nagpakilala ng bass drum na unang ginamit sa Bombo Radyo Iloilo at ipinakilala sa iba pang mga himpilan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Subalit limang araw bago ang anibersaryo ng Bombo Radyo Iloilo noong 1985 ay napaslang ang kaniyang ama.

Sa kabila nito ay hindi na nawala ang trademark na Bombo at ang tanyag na tambol na nakilala ng mga tagapakinig at tagapanood ng mga programa ng Bombo Radyo.

Matatandaan na nailathala sa ilang mga pahayagan na noong ihatid sa huling hantungan si Bombo Eddie ay tinatayang nasa 80,000 ang dumalo na naihayag rin maging sa New York Times.

Maging ang mga tagapakinig noon mula sa ibang mga lalawigan ay dumayo pa sa Iloilo upang makita sa huling sandali si Bombo Eddie.

Ayon kay Suede na ito ang legasiya na naiwan ng kaniyang ama.

Samantala, kasabay ng makabagong teknolohiya na mayroon sa kasalukuyan ay sinabi ni Suede na wala pa ring tatalo sa impluwensya at kapangyarihan ng radyo.

Dagdag nito na umaasa siya na magpapatuloy pa ang patas at makabuluhan na pamamahayag ng Bombo Radyo Philippines sa susunod pang mga taon.