LEGAZPI CITY – Umaasa si House Committee on Legislative Franchise member Rep. Alfredo Garbin na hindi magkakaroon ng conflict of interest sa paggamit ng Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS) na pagmamay-ari ni Manny Villar, sa dating frequencies na hawak ng ABS-CBN Corp.

Kaugnay ito ng pagbibigay ng provisional authority ng National Telecommunications Commission (NTC) na makapag-simulcast broadcast ang nasabing media outlet sa dalawang channels.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, kasabay ito sa hangad na magamit an nasabing media outlet bilang ‘purveyor of truth and information’ at hindi biased.

Hindi na rin aniya lingid sa kaalaman ng tao na nasa pagnenegosyo ang angkan ng mga Villar na kilala sa iba’t ibang fields partikular na sa housing and construction, malls, power at water services.

Ayon pa kay Garbin, inaasahan ring hindi magamit ang nasabing himpilan bilang paraan sa pagprotekta ng sinuman.

Subalit paglilinaw ng kongresista na bahagi lamang ito ng mga tinitingnang posibleng mangyari.

Bigyan rin umano ng “benefit of the doubt” ang NTC sa mga kumukwestiyon sa timing ng pagbibigay ng provisional authority, ayon pa sa mambabatas.