LEGAZPI CITY – Pinalakpakan at hinangaan ang isang swimmer na mula sa Pio Duran, Albay dahil sa siyam na oras na walang tigil na lumangoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa swimmer na si Bert Justine Narciso, ito na ang kanyang ikalawang longest distance ocean swim kung saan nalampasan ang dating record na tatlong oras na walang tigil na lumangoy sa layong 11.8km.
Sa ngayon ay mas triniple pa ni Narciso ang distansya na umabot sa 27.63km sa loob ng siyam na oras mula sa bayan ng Donsol sa Sorsogon at dumaan sa Ligao City hanggang sa makarating sa Pio Duran fish landing.
Pagbabahagi ng swimmer na naging maayos naman ang buong journey ng paglangoy dahil napaghandaan ng mabuti sa tulong ng pamilya at mga tagasuporta.
Inamin naman nito na isang malaking challenge ang lumangoy sa kasagsagan ng matinding init ng panahon, subalit hindi ito naging hadlang para maabot ang goal.
Samantala, parte na rin aniya ito bilang paghahanda sa sasalihan na kompetisyon na 3rd Talisay Triathlon sa Pio Duran sa darating na Abril 28.
Ayon kay Narciso, basta ibigay ang 100% na tiwala sa sarili at sa Diyos tiyak na makakayanan at maaabot ang mga hinahangad sa buhay.