LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Sweden ang mistulang normal na sitwasyon sa bansa sa kabila ng tumataas na bilang ng mga sa coronavirus cases sa lugar.
Batay sa pinakahuling tala, higit na sa 14, 000 ang positibong kaso ng COVID-19 sa bansa subalit wala pa umanong ipinatutupad na lockdown.
Salaysay ni Zen Formento, OFW sa Sweden sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, suspendido na ang pasok sa kolehiyo subalit nananatiling normal ang pasok ng mga nursery at elementary students.
Regular rin aniyang nakakalabas ang mga residente kung kailan naisin.
Dagdag pa ni Formento na tampulan ng tingin at pinagtatawanan pa ng ilang residente ang mga nagsusuot ng face mask.
Paliwanag nito na kani-kaniyang pag-iwas sa sakit ang ginagawa ng mga residente kung saan nag-abiso lamang ng social distancing ang gobierno.
Depensa naman aniya ni Prime Minister Stefan Löfven na malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa kung magpapatupad ng lockdown.