LEGAZPI CITY- Nakakulong na sa ngayon at isinasailalim sa imbestigasyon ng mga otoridad ang suspek sa pamamaril patay sa dating Prime Minister ng Japan na si Shinzo Abe sa insidenteng naganap nito lamang na nakalipas na Sabado sa Nara City.

Si Tetsuya Yamagami, 41 anyos, matapos na mabaril si dating Japan PM Shinzo Abe gamit ang hawak na improvised na baril

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na dating miyembro ng Maritime Self Defense Force ang 41 anyos na suspek na si Tetsuya Yamagami, kung saan tatlong taon rin itong nagserbisyo hanggang noong 2005.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jose Palma ang Bombo International Correspondent sa Tokyo, Japan, matapos ang insidente agad na pinuntahan ng mga pulis ang tahanan ng suspek kung saan nadiskobre ang ibat ibang klase ng mga improvised na baril at maging pampasabog.

Lumalabas rin na wala naman talagang personal na galit ang suspek sa dating Prime Minister subalit sa isang religious group na konektado dito.

Sinisisi kasi ng suspek ang religious group na naging dahilan ng away ng kanilang pamilya dahil dito umano napupunta ang malaking bahagi ng kanilang pera dahil sa mga donasyon ng kanyang ina.

Nakatakda naman na isailalim sa psychological test ang suspek upang malaman kung may problema ito sa pag-iisip.
Patung-patong naman na kaso ang kinakaharap nito kabilang na ang murder at illigal possesion of firearms and explosives.