LEGAZPI CITY—Matapos ang sampung taong pagtatago, naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki sa kasong frustrated homicide sa Boac, Marinduque.
Ayon kay San Miguel Municipal Police Station Officer-in-charge Police Captain Renee Albao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, halos sampung taon nang nagtatago ang suspek sa nasabing lugar kung saan dito na rin ito nakapag-asawa.
Ayon sa opisyal, nagpaabot sila ng impormasyon sa nasabing lugar dahil dati na rin siyang nakatalaga sa MIMAROPA gayundin sa pagbabakasali na naroon sa lugar ang suspek.
Nang magpositibo na ito ay naroon sa lugar, agad na nagpadala ang kanilang tanggapan ng mga tauhan upang arestuhin ang suspek.
Ayon ki Albao, kinilala ang suspek na isang 66-anyos at dating residente ng Barangay Patagan Salvacion, San Miguel, Catanduanes.
Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide na may inirerekomendang piyansang P25,000.
Kasalukuyang inililipat na ang suspek sa kustodiya ng San Miguel MPS para sa kaukulang disposisyon.