LEGAZPI CITY – Inamin ng United Broilers Raisers Association (UBRA) na sobra-sobra ang suplay ng manok ngayong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay UBRA President Atty. Armando ‘Boy’ Inciong Jr., matumal ang bentahan ng manok sa merkado.
Nagkakaroon lamang aniya ng demand kapag kinsenas o katapusan ng buwan dahil sahuran ng mga empleyado.
Dahil dito, lugi na ang mga nag-aalaga ng manok isabay pa ang mataas na presyo ng mga patuka o feeds.
Ayon kay Inciong hindi tulad ng dati bago pa pumutok ang pandemya, pagpasok pa lamang ng ‘ber months’ mataas na ang demand ng manok.
Nangangahulugan aniya ito na hikaos pa rin sa buhay ang mga ordinaryong Pilipino matapos ang pananalas ng coronavirus disease pandemic.
Ibinahagi rin ni Inciong na medyo malayo rin ang presyo ng itlog sa retail price at farmgate price.
Subalit hindi rin masisi ang mga retailers dahil sa mababang demand ng itlog lalo pa’t kinakailangang kumita para sa pang-araw-araw na pamumuhay.