LEGAZPI CITY – Nasa kritikal na lebel na ang suplay ng karneng baboy sa Albay partikular na sa ikalawang distrito matapos ang outbreak ng African Swine Fever sa (ASF) sa lalawigan.

Ayon kay Legazpi City Veterinarian Dr. Manny Estipona sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umaabot na lamang sa mahigit 4,000 ang dating 10,000 na bilang ng mga kinakatay na baboy kada buwan sa naturang distrito.

Aminado si Estipona na ang 4,000 na bilang ay kabuuan na lang ng swine population.

Dahil dito asahan na aniya ang kakulangan ng suplay ng karneng baboy sa darating na kapaskuhan.

Kaugnay nito pinagbawalan na rin ang lungsod ng Legazpi na maglabas ng mga karneng baboy sa mga karatig-bayan.

Sa ngayon, naglalaro sa P220 hanggang P250 ang presyo ng karneng baboy sa lalawigan.

Samantala, isa sa magiging epekto ng shortage ng suplay ng karneng baboy ay ang pagtaas rin ng presyo ng ibang meat products tulad ng manok at iba pa.