LEGAZPI CITY – Aminado ang National Food Authority (NFA) Bicol na kinukulang na ang suplay ng bigas sa rehiyon matapos labis na maapektuhan ang sektor ng agrikultura dahil sa sunod-sunod na kalamidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NFA Bicol Director Edna De Guzman, sinabi nito na hindi na sapat ang suplay ng bigas sa Bicol kaya kinailangan ng humingi ng tulong sa ibang rehiyon partikular na sa Region 4.

Ayun kay De Guzman, napinsala kasi ang halos lahat ng stock ng bigas sa warehouse lalo na sa lalawigan ng Catanduanes at sa Tabaco City sa Albay.

Aminado rin ito na hanggang sa ngayon hindi pa malaman ang volume ng pinsala dahil patuloy pa ang isinasagawang assessment sa stock ng mga nasirang bigas.

Samantala, maaari aniya na ibalik ng mga customer ang mga biniling bigas kung ito ay hindi na maganda ang kalidad at hindi na mapakinabangan.

Hindi kasi aniya kayang matiyak na walang sira ang mga ibinebentang bigas dahil na rin sa epektong iniwan ng mga bagyo.