LEGAZPI CITY – Sumiklab ang sunog sa municipal hall sa bayan ng Oas, Albay dakong alas-8:00 kaninang umaga.
Agad rin naman itong naapula sa mabilis na responde ng mga bumbero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Domingo Escoto Jr., pinaniniwalaang nag-ugat ang sunog sa pag-spark ng main line ng Albay Power and Energy Corporation subalit patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP.
Aniya posibleng nag-overload ang boltahe sa luma nang electrical wiring kaya’t pinaputol na rin muna ang suplay at naka-generator set sa ngayon ang building.
Nagtamo ng pinsala ang bubong ng registrar’s office habang pagtitiyak ng alkalde na wala namang nasunog na dokumento kundi nabasa lamang.
Pansamantalang sinuspinde ang pasok sa naturang tanggapan habang inilipat rin sa ibang lugar ang mga apektado ng makapal na usok.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Samantala, inaalam pa sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsalang naidulot ng naturang sunog.