
LEGAZPI CITY – Patuloy ang ginagawang assessment ng lokal na pamahalaan ng Sto. Domingo, Albay sa epekto ng Bagyong Wilma at ng shearline.
Ayon kay Sto. Domingo Vice Mayor Mark Aguas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang Barangay Buhatan ang pinakanaapektuhan kung saan tatlong bahay ang nasira bunsod ng major landslide.
Nakikipag-ugnayan din sila sa konseho ng Barangay Alimsog upang malaman kung mayroon pang mga residente na nananatili pa rin sa mga evacuation center pagkatapos ng naranasang halos beywang na pagbaha.
Mabuti na lang umano at walang nasugatan sa mga naitalang insidente at nagbigay na sila ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Nilinaw din ng opisyal na hindi nagpabaya ang lokal na pamahalaan at ang state weather bureau sa paglalabas ng mga babala tungkol sa mga pag-ulan na idudulot ng nasabing mga sama ng panahon kahit na hindi kasama ang Albay sa Tropical Cyclone Wind Signal.
Nagsasagawa rin sila ng retrieval operation kaugnay ng nawawalang 14-taong-gulang na batang lalaki na pinaniniwalaang inanod sa ilog sa Barangay Salvacion kung saan nakikipagtulungan na sila sa Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police.
Umaasa rin si Aguas na wala nang susunod sa Bagyong Wilma upang maging “merry” ang kanilang Pasko.










