LEGAZPI CITY- Sisimulan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mahigpit na monitoring sa Bulkang Mayon ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division head Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na namo-monitor pa rin ang patuloy na pamamaga at degassing events sa naturang bulkan.
Paliwanag nito na ngayong nagsisimula na ang mga pag-ulan ay mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga steam driven eruption.
Dagdag pa nito na kung tataas pa ang bilang mga ash puff ay posible rin na magdulot ng negatibong epekto lalo na sa mga residente sa paligid ng bulkan.
Maliban pa dito ay pinaghahanda rin ng tanggapan ang mga nasa Mayon unit area sa posibleng lahar flow lalo na kung magkakaroon ng intense rainfall.
Partikular na tinukoy ni Bornas ang bahagi ng bayan ng Guinobatan na karaniwan umanong naaapektuhan tuwing nagkakaroon ng pagdausdos ng lahar.
Dahil dito ay pinaiiwas ng opisyal ang publiko sa pagpasok sa 6km radius permanent danger zone.