LEGAZPI CITY – Aminado ang isang health expert na may mga duda pa rin sa bakunang inilabas ng Russia na Sputnik V.
Ito ay sa kabila ng paglathala ng ilang health journals na mayroon itong 92% efficacy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force againts COVID-19, kailangang mai-translate pa sa English at mailathala sa reputable scientific journal ang kumpletong findings at clinical trials ng naturang bakuna para maintindihan ng mabuti ang epekto nito.
Naniniwala si Leachon na hindi rin mag-oorder ang Pilipinas ng bakuna ng Russia dahil wala pa ring isinusimite na malinaw na scientific findings sa Food and Drug Administration (FDA) ang laboratoryo na nakatutok dito.
Dagdag pa ni Leachon na hindi pa matibay ang track record sa medisina at mga bakuna ng Russia kumpara sa Estados Unidos, kaya hindi naman makatitiyak.
Tulad rin nito ang pananaw ni Leachon sa bakunang Sinovac ng China.
Sa kasalukuyan, kasama sa mga tinitingnan ni Leachon at pinag-aaralan ang scientific findings ng mga bakunang Moderna, AstraZeneca at Pfizer.