LEGAZPI CITY—Nag-aalok na ngayon ng Special Program in Journalism (SPJ) sa mga mag-aaral ang Gogon Central School sa lungsod ng Legazpi.


Ayon kay Gogon Central School Principal Allan Acosta, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinimulan ang conceptualizing ng programa noong nakaraang taon kung saan nagkaroon ng qualifying exam—objective type, written test, at written interview, ang incoming grade four students sa nasabing paaralan.


Isa sa mga requirements para makapag-enroll sa programa ay dapat may rating na 85% sa English at Filipino bago makapag-exam sa Special Program in Journalism at dapat ding makakuha ng 50% na puntos o higit pa sa qualifying exam.


Sinabi pa ni Acosta na ang iskedyul ng klase ng naturang programa ay tuwing Lunes at Miyerkules kung saan ito ay may karagdagan na 90 minuto sa kanilang regular subjects.


Ayon pa sa opisyal na ang pagbibigay ng marka sa programang ito ay tinataglay ng 30% para sa written work, 50% sa performance task, at 20% sa quarterly assessment.


Sa kasalukuyan, 25 na estudyante sa grade four ang naka-enroll sa programa.


Dagdag pa ni Acosta, ang Gogon Central School ang kauna-unahang elementary school na nag-aalok ng Special Program in Journalism sa lalawigan ng Albay.


Layunin ng programa na bigyan ang mga mag-aaral ng pundasyon sa pamamahayag sa unang bahagi ng kanilang pag-aaral, maranasan ang pagsusulat at iba pa, at sa ika-anim na baitang ay may pagkakataon silang makapasok sa school publication.


Samantala, umapela rin ang opisyal sa mga magulang ng mga mag-aaral sa Gogon Central School na suportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak at tulungan silang ma-expose pa sa iba pang kasanayan katulad ng pamamahayag.