LEGAZPI CITY – Ibayong pag-iingat umano ang ipinatutupad ngayon sa South African country na Mozambique sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Philippine Honorary Consulate in Maputo, Mozambique Don Tulcidas sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi News Team, maituturing pa aniyang normal ang sitwasyon sa bansa kahit pa may ilang naka-quarantine.
Marami umanong Chinese ang nasa Mozambique na galing sa pagbabakasyon sa ibang bansa habang ang ilan ay umuwi pa para sa holiday subalit negatibo naman sa isinagawang pagsusuri.
Maiging pinakababantayan ang mga ito ayon kay Tulcidas, dahil sa pangambang maging “catastrophic” ang sitwasyon sakaling may makumpirmang kaso sa lugar, lalo na para sa malaking bilang ng mga mahihirap sa bansa.
Naka-activate na rin ngayon ang pinaigting na pagbabantay sa mga paliparan at una nang ipinag-utos ng Ministry of Health ang pag-organisa ng special rooms sa mga ospital na magsilbing quarantine area.
Labis naman ang pasasalamat nito sa Bombo Radyo sa pinagbabatayan aniya ng mga natatanggap na impormasyon na ipinararating sa mga Pinoy sa naturang bansa.
Nabatid na nasa higit 3, 000 ang bilang ng mga Pilipinong nananatili ngayon sa Mozambique.