LEGAZPI CITY – Nag-iikot na ngayon ang Provincial Nutrition Council (PNC) sa mga bayan sa lalawigan ng Sorsogon upang masiguro ang nutrisyon ng mga mag-aaral at ng kumunidad, isang linggo matapos ang pagbubukas ng klase.


Ayon sa Sorsogon Public Information Office, layunin ng tanggapan na makita at masigurong tama at masustansyang mga pagkain ang makikita sa mga canteen ng mga paaralan at maging ang mga ibinibigay sa komunidad.


Kasabay ng isinagawang monitoring ang pagbibigay paalala sa mga kalapit na tindahan ng mga paaralan na walang junk foods na ibinebenta sa mga estudyante at bata.


Una ng binisita ng PNC ang mga bayan ng Magallanes at Bulan kung saan pinuntahan ng grupo ang mga eskwelahan, community garden, health center gayundin ang mga tindahan.


Layunin ngayon ng Sorsogon na mapababa ang malnutrisyon sa lalawigan sa pamamagitan ng patuloy na kampanya ng PNC sa lahat ng mga bayan na sakop nito.