LEGAZPI CITY- Patuloy ang pagtanggap ng mga turista sa lalawigan ng Sorsogon sa kabila ng ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na pagtaas ng seismic activity sa Bulkang Bulusan.

Ayon kay Sorsogon Supervising Tourism Operations Officer Bobby Gigantone sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nananatiling normal ang operasyon sa lalawigan.

Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na naka-alerto ang kanilang hanay upang masiguro ang seguridad ng mga bisita sa iba’t ibang tourist destinations sa lugar kabilang na ang Bulusan lake.

Nabatid kasi na patuloy pa rin ang pagdating ng mga domestic tourists sa lalawigan.Dagdag pa ni Gigantone na naka activate na rin ang Local Disaster Risk Reduction and Management offices lalo na ang mga posibleng maapektuhan kung sakaling lumala pa ang aktibidad ng Bulkang Bulusan.

Matatandaan na una nang ipinaalala ng mga otoridad sa publiko na iwasan ang pagpasok sa 4km permanent danger zone.