LEGAZPI CITY—Lubos na ikinatuwa ng lalawigan ng Sorsogon matapos na masungkit ang Guinness World Record para sa Largest Nut Brittle/Praline (Pili Kunserba) kung saan tampok ang kanilang lokal na produktong pili.


Ayon kay Sorsogon Provincial Tourism, Culture, and Arts Office Sorsogon Provincial Tourism Officer, Bobby Gigantone, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ang kanilang pinapangarap na makuha sa ikalawang beses na pagtatangkang makagawa ng bagong pangalan sa Guinness World Record.


Ang nasabing record ay may lawak na 144.16 square meters at binubuo ito ng ilang grupo na magsasagawa sa pagluluto ng pili nuts.


Mabusisi umano nilang pinag-aralan ang lahat ng hakbang, specific criteria, at iba pang mga kinakailangan na inilatag ng Guinness World Records upang makuha ang nasabing titulo.


Binigyang-diin ng opisyal na ang layunin nila ay hindi lamang makuha ang titulo kundi para mahikayat ang mga magsasaka na mag-alaga at magtanim ng pili nuts upang mas maraming tao ang bibili nito gayundin na isa rin ito umanong puhunan ng gobyerno upang maipakilala ang kanilang produkto sa buong mundo.