LEGAZPI CITY – Sunod-sunod ang mga natatangap na trayumpo ng lalawigan ng Sorsogon matapos na maging ika-apat na Fastest-Growing Provinces sa Gross Domestic Product Annual Growth Rate sa buong bansa noong taong 2022.
Sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority, nangunguna ang Aklan na may 22.5% na sinundan ng Nueva Vizcaya na may 13.1%; Davao Oriental, 12.3%; Sorsogon, 12.2%; Batanes, 11.5%; Zambales, 11.3%; Romblon, 9.8%; Bulacan, 9.8%; Tarlac, 9.7%; at sa rank 10 ang Kalinga na may 9.3%.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza ang tagapagsalita ng Sorsogon Provincial Government, dito nasusukat ang malaking kontribisyon ng bawat indbidwal sa growth rate ng GDP.
Naging posible ito dahil sa hindi pagtama ng mga kalamidad tulad ng bagyo na nagresulta sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng lalawigan.
Kabilang pa sa mga nakapag-ambag ng malaki ang lalong lumalakas na turismo, tuloy-tuloy na mga proyekto at programa ng Pamahalaang Panlalawigan tulad ng pagpapatayo ng mga imprastraktura na nagbibigay ng trabaho sa mga residente.
Kasama rin dito ang pagluluwag sa pagpasok ng mga investment na malaking tulong ang naibibigay sa lalawigan.