LEGAZPI CITY – Nabisto ng Sorsogon City Jail ang modus ng isang nagpapakilalang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at nanghihingi ng pera sa mga kamag-anak ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay JCInsp. Rodolfo Versoza, jail warden ng Sorsogon City Jail, mismong abogado ng isang PDL ang nagtanong sa kanila sa umano’y BJMP personnel na nagngangalang Jerry delos Reyes.
Nagpapadala umano ito ng mensahe sa pamamagitan ng social media na humihingi ng bayad para sa pagiging “VIP” ng PDL at bayad sa bed bunks.
Sakaling hindi umano magbigay, ilalagay sa bartolina ang PDL.
Paglilinaw ni Versoza, walang ganitong polisiya sa BJMP, wala ring Jerry delos Reyes sa tanggapan at malaking posibilidad na bogus account ang gamit sa modus.
Naniniwala naman si Versoza na nakuha ng suspek ang contacts ng mga kamag-anak ng PDL sa comment ng mga ito sa kanilang official social media page.
Dahil sa pagpapatupad ng protocols kaugnay ng COVID-19, tanging e-dalaw o virtual dalaw lamang ang iniaalok ng city jail para makapag-usap pa rin ang mga PDLs at kamag-anak.
Karaniwang nagkokomento umano ang mga ito sa susunod na schedule ng e-dalaw.