LEGAZPI CITY – Tinatapos na lamang sa ngayon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (SPRRMO) ang isinasagawang “preemptive to forced evacuation” kasabay ng pinangangambahang hagupit ng Bagyong Ambo.
Una na ring ipinag-utos ang pansamantalang pagpigil sa pagpasok ng mga sasakyan na patungo sa Matnog Port at biyaheng Visayas o Mindanao.
Sinabi ni Sorsogon PDRRMO head Engr. Raden Dimaano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “all assets in place” na.
Tinitingnang aabot ng hanggang 60, 000 na pamilya mula sa mga risk areas ang ililikas sa mga designated evacuation centers.
Nilinaw naman ni Dimaano na hindi pagsasamahin ang mga evacuees ng Ambo at mga nasa ilalim ng quarantine facility, batay na rin sa napag-usapan ng Provincial Health Office at MHOs.
Kaunti na lamang din aniya ang nananatili sa quarantine facility dahil natapos na rin ng ilan ang 14-days na kaukulang panahon na hinihingi.
Samantala dahil sa mga stranded passengers, rolling cargoes at mga barko sa ilang pantalan ng Sorsogon, muling ipinaalala ng opisyal ang kahilingan sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO).
Hirit nitong dalawang araw pa lamang bago magtaas ng Tropical Cyclone Warning Signal sa lalawigan kung may sama ng panahon, pigilan na ang pagbiyahe patungong Sorsogon ng mga tatawid sa Kabisayaan at Mindanao upang maiwasan rin ang pagkaantala ng mga ito sa alinmang pantalan.