LEGAZPI CITY- PKinukwestiyon ngayon ng Southern Philippine Deep Sea Fishing Association (SOPHIL) ang ipinalabas na bagong import permit na ipinaluwas ng gobyerno para sa pagbili ng mga isda sa kabila ng madaming suplay sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SOPHIL President Jaydrick Yap ang Presidente, nakakapagtaka umano ang pagpapalabas ng Department of Agriculture sa nasabing permit lalo pa’t hindi naman nakakaranas ng kakulangan ng suplay ang bansa habang nagkaroon pa nga ng oversupply ngayong fishing season.

Salungat umano ito sa naging pahayag ng DA na kailangan na mag-import upang maiwasan ang posibleng food shortage sa bansa.
Ayon kay Yap, kasama siya sa komite na nagsasagawa ng council meeting patungkol sa import permit kung saan napag-usapang hindi na kailangan pa ang pagpapalabas nito.

Hindi rin umano ito nakasama sa mga naging agenda sa second quarter council meeting kung kaya lubhang nakakapagtaka kung papanong naaprobaran ang pagpapaluwas na naman ng permit ni DA Sec. William Dar.

Mungkahi nito sa gobyerno na imbes na umasa sa import ay mas tutokan na lamang ang pagpapalakas ng lokal na produksyon, pagpapabilis ng pagbiyahe ng produkto at pagpapatayo ng mga cold chain facility na mapag-iimbakan ng isda na mapapakinabangan kapag kinulang sa suplay.