LEGAZPI CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Rapu-Rapu, Albay matapos na sumuway at mambastos pa ng naka-duty sa barangay checkpoint kaugnay ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa COVID-19 outbreak.

Kinilala itong si SK chairman Amando Echemane, 23-anyos na residente ng Purok 5 ng Brgy. Lagundi.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Albay Police Provincial Office, nabatid na mismong si Punong Barangay Felimon Bismonte ang humiling ng tulong ng pulis sa nanggugulong opisyal.

Napag-alamang naka-duty sa checkpoint ang barangay tanod na si Laila Bismonte nang dumating ang suspek.

Sinasabing tinanggal at sinipa ni Echemane ang barikada ng barangay checkpoint.

Nabatid na lasing din ang suspek nang mangyari ang insidente.

Samantala, pinag-aaralan na rin ang karampatang parusa na ipapataw sa SK official habang itinuturing ang insidente bilang Serious Disobedience to an Agent of a Person in Authority.