LEGAZPI CITY – Asahan na ang pagtaas ng bills sa kuryente ng mga konsumidor ngayong Pebrero, batay sa abiso ng Albay Power and Energy Corporation (APEC).
Nasa P0.27 ang overall rate para sa typical residential consumer na dahilan upang umakyat sa P13.57/kWh sa isang buwan mula sa P13.29/kWh ng Enero.
Habang sa commercial consumers overall rate, tumaas sa P12.59/kWh mula sa dating P12.31/kWh at sa High Voltage consumers’ rate dinagdagan ng P0.25 sa overall rate na nagkakahalaga na ng P11.33/ kWh mula sa P 11.07 ng Enero.
Kung susumahin, nasa P55.94 bawat buwan ang dagdag sa total bill ng residential customer na kumukunsumo ng 200 kWh sa isang buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pat Gutierrez, tagapagsalita ng APEC, apektado umano ng pagtaas ng presyo ng fuel sa international market kaya’t may adjustment sa generation at transmission rate.
Kung babalikan, noong Agosto, nasa P12.42/kWh ang singil sa mga kumukunsumo ng 200/kWh sa isang buwan; P10. 88 ng Setyembre; P11.51 (Oktubre); P12.92 (Nobyembre); P12.69 (Disyembre); at P13.29 ng Enero ng kasalukuyang taon.