LEGAZPI CITY- Lumabas na mayorya ng populasyon sa Estados Unidos ay hindi pa rin sang-ayon sa nagpapatuloy na deportation order ni US President Donald Trump.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Rosemarie Wagner na nasa 70% ng populasyon ang nagsasabi na nababahala sila sa ‘separation of families’ o posibleng pagkakawalay ng isang miyembro ng pamilya kung mapapa-deport ito.
Matatandaan kasi na ipinapa-deport ang illegal immigrants o mga dayuhan na iligal na nananatili sa Amerika, gayundin ang mga sangkot sa iligalidad.
Nabatid na nagkakaroon rin ng hindi pagkaka unawan sa ilang mga grupo at magkakaibigan dahil sa naturang kautusan.
Paliwanag ni Wagner na nagbabatuhan ng sisi ang ilang mga residente matapos umanong iboto si Trump kaya nangyayari ang kasalukuyang sitwasyon.
Sa nakalipas na mga araw ay isinakay sa mga military planes ang mga dayuhan na pinabalik sa kani-kanilang mga bansa.
Sa kabila nito ay nilinaw ni Wagner na wala namang dapat ikabahala ang mga Pilipino sa Estados Unidos kung legal naman ang pananatili ng mga ito.