LEGAZPI CITY-Muling nahaharap si Sen. Jinggoy Estrada sa kasong plunder matapos siyang sampahan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y flood control scandal kung saan iniuugnay ang senador sa mahigit P573 milyong umano’y kickback.

Ito na ang ikatlong malaking kontrobersiyang may kaugnayan sa kasong plunder na kinasasangkutan ni Estrada sa loob ng mahigit dalawang dekada.

Unang nasangkot ang senador noong 2001 matapos madawit sa jueteng scandal kasama ang kanyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada. Kaugnay ito ng mga alegasyong tumanggap umano ng protection money mula sa ilegal na sugal na jueteng.

Noong 2014 naman, muli siyang naharap sa kasong plunder kaugnay ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sa pinakahuling reklamo, iniuugnay si Estrada sa umano’y iregularidad sa flood control projects at pagtanggap ng daan-daang milyong pisong kickback. Inirekomenda ng Ombudsman ang “no bail” para sa kasong plunder, na nangangahulugang hindi agad maaaring makapagpiyansa ang akusado kapag pinayagan ng korte na umusad ang kaso.