LEGAZPI CITY – Iginagalang umano ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Richard Gordon ang magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasapubliko ng pangalan ng mga sinasabing “ninja cops” na sangkot sa pag-recycle ng mga iligal na droga na nakukumpiska sa mga operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sen. Gordon, natanggap na rin ng Pangulo ang kopya ng listahan kaya’t hihintayin ang desisyon, kahit binigyan pa siya ng otoridad ng Senado sa pagpangalan sa mga kontrobersyal na pulis.
Isapubliko man aniya o hindi ng Pangulo ang listahan, magpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng pinamumunuang komite sa isyu.
Ayon kay Gordon na nasa 14 hanggang 15 police officials ang nasa listahan, kabilang na ang mag-asawang pulis habang ilan ay retirado na.
Samantala, aminado si Gordon sa banta sa seguridad sa pagpangalan sa “ninja cops” kaya mag-iingat subalit hindi umano ito nangangahulugan sa pagiging takot.
Nagpasalamat naman ito kay dating PNP CIDG chief Benjamin Magalong sa pagbubunyag ng “agaw-bato scheme”, maging sa iba pang magbibigay-impormasyon sa isyu.