LEGAZPI CITY- Ipinagbawal na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pakikipagselfie o groupie ng sinumang kandidato sa panahon ng pangangampanya sa darating na 2022 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay COMELEC Albay Election Supervisor Atty. Ma. Aurea Bo-Bunao, isa ang pakikipagselfie sa mga madalas na dahilan ng paglabag sa social distancing na parte ng health protocols laban sa COVID 19.
Maliban dito ipinagbawal na rin ng COMELEC ang pamimigay ng kandidato ng pagkain o anumang bagay sa mga botante kagaya ng T-shirt, pamaypay, banner at iba pa.
Bawal na rin ang pagpasok sa mga bahay at pribadong lugar kahit pa may pahintulot ng residente upang maiwasan ang posibleng pagkalat pa ng COVID 19.
Ngayon palang, nagbanta na ang COMELEC na posibleng mapanagot ang sinumang kandidato na lalabag sa mga panuntunang ito na layuning maiwasang maging spreader event ng COVID 19 ang campaign period.