LEGAZPI CITY—Naka-heightened alert na ngayon ang Coast Guard Station Catanduanes bilang paghahanda sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa at Summer Vacation 2026.
Ayon kay Coast Guard Station Catanduanes Chief of Staff Lieutenant Junior Grade Jepril Bitas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsimula ito nitong Sabado, Marso 28, at tatagal hanggang Abril 5, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at mamamayan.
Aniya mahigpit nilang ipinapatupad ang pre-departure inspection ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan ng Virac at San Andres ng nasabing lalawigan; gayundin ang pagtiyak na hindi overloaded ang mga barko, mandatory safety equipment onboard, at inspeksyon upang maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na kontrabando.
Dagdag nito na patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya upang mapanatili ang seguridad ng mga pantalan at karagatan.
Bukod dito, nagsagawa rin sila ng mga baywatch patrol sa mga beaches at resorts para sa kaligtasan at seguridad ng mga turista at mga beachgoers.
Binigyang-diin ni Bitas na marami rin silang naitatala na mga biyahero papunta at pabalik ng probinsya sa kabila ng pagtaas ng pamasahe na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Pinaalalahanan din niya ang mga biyahero na dumating nang maaga sa mga pantalan , sundin ang mga safety protocol, makinig sa mga abiso ng kanilang mga ahensya at state weather bureau, at kung sakaling may emergency ay agad na makipag-ugnayan sa kanila para sa kaukulang aksyon.











