LEGAZPI CITY- Hindi pa nahahanap hanggang ngayong ang dalawang mangingisda na magpipitong-araw nang nawawala sa bayan ng Pandan, Catanduanes.
Ito’y matapos na magpalaot ang dalawa noong Enero 24 ngunit hindi na nakabalik kinabukasan, Enero 25 kung saan inaasahan sana ang pag-uwi ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Garcera, Pandan MDRRMO officer, patuloy pa rin ang pakikipagtulungan nila sa mga katabing munisipyo at probinsya, sakaling may makarating na mga mangingisda sa kanilang lugar.
Kaugynay nito kinumpirma ni Garcera na sa dalawang mangingisda ang nakuhang motorboat sa Lipatan, Caramoan sa probinsya ng Camarines Sur.
Ayon sa opisyal, nalubog sa tubig ang loob ng bangka at mayroon itong butas sa gilid na parte nito, nakita rin ang mga damit na nasa loob ng isang balde.
Samantala, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin maisasagawa ang search and rescue operation dahil sa malalakas na alon na delikado para sa mga rescuer.
Nagrequest na umano ang ahensya ng mas malaking sasakyang pandagat sa Provincial Government ng Catanduanes na ipinagbigay-alam na rin sa Office of the Civil Defense Bicol.
Sa kabilang dako, nakatanggap ng food packs at iba pang tulong ang pamilya ng mga mangingisda mula sa LGU at DSWD.