LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health Center for Health Development – Bicol ang pinakaunang nagpositibo sa coronavirus disease sa Sorsogon.
Sa inilabas na pahayag ng DOH Bicol, isang 37-anyos na lalaki mula sa bayan ng Matnog, ang kauna-unahang positive case ng lalawigan.
Nabatid na bumiyahe ito mula sa Florida, USA at nagpakonsulta sa Dr. Fernando B. Duran Sr. Memorial Hospital (DFBDSMH) kung saan ito naka-admit sa kasalukuyan.
Hindi nakitaan ng mga sintomas ang pasyente subalit isinailalim sa swab testing dahil sa travel history.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kat Dong Mendoza, tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, papangalanan umano sa mga susunod na oras ang naturang pasyente na sinasabing isang seaman.
Tinitingnang mas makakapagpadali umano sa contact tracing na inaasahang magiging pahirapan dahil sa Bagyong Ambo.
“Seaman from Matnog. Papangalanan natin sa mga susunod na oras para mabilis ang contact tracing,” ani Mendoza.
Sa kabilang dako, nadagdagan naman ng isa pang panibagong kaso ang Albay sa pamamagitan ng 21-anyos na babae mula sa Legazpi City.
Nagpakonsulta ito noong Mayo 3 at kasalukuyang nasa quarantine.
Isinailalim ito sa swab testing ng Albay Provincial Health Office subalit asymptomatic at tinutukoy pa sa ngayon ang kaniyang “history of exposure”.
Samantala, umakyat na sa 66 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa sakit sa Bicol.