LEGAZPI CITY—Nakatakdang magsagawa ng iba’t ibang aktibidad para sa mga guro ang Schools Division Office Legazpi sa Oktubre 9, kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Month.
Ayon kay Schools Division Office Legazpi Public Schools Division Supervisor/ Division Information Officer Santi Araña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pangungunahan ang okasyon sa isang banal na misa, pageant, raffle at iba pang aktibidad para sa mga guro na sakop ng kanilang division.
Ayon kay Araña, napag-usapan na nila simula pa noong nakaraang linggo ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng World Teachers’ Month.
Dagdag pa niya, na may nakahanda rin ang bawat distrito sa kanilang lugar ng mga aktibidad na pagdadaluhan ng lahat ng guro.
Aniya mahigit sa 2,000 teaching at non-teaching personnel ang inaasahang lalahok sa aktibidad na inihanda ng kanilang tanggapan.
Binigyang-diin ng opisyal na mahalagang ipagdiwang ito upang magbigay pugay at kilalanin ang mga guro dahil sila ang humuhubog sa isipan ng mga kabataan na magiging kinabukasan at susunod na mga pinuno ng bansa.