LEGAZPI CITY- Itinuring ng grupo ng mga magsasaka na welcome development ang kautusan ng Supreme Court na magpaliwanag ang Executive Department sa pagpapatupad ng Executive Order 62 o pagtapyas sa taripa.
Batay sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman ay mayroong sampung araw upang magpaliwanag sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tatlong iba pang opisyal kaugnay sa petition for certiorari na inihain ng grupo ng mga magsasaka na nanawagan na ipawalang bisa ang tariff reduction sa imported na bigas.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura President Rosendo So sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kinakailangang malinawan kung bakit hindi dumaan sa tamang hakbang ang naturang kautusan.
Ito lalo pa at maraming mga rice farmers umano ang maaapektuhan ng pagbabawas ng taripa sa inaangkat na bigas.
Kinuwestyon rin ng grupo ang kawalan ng plano ng pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka kung mawawala na ang taripa, na nakokolekta na ginagamit para sa mga programa sa local farmers.
Samantala, sinabi ni So na plano ng kanilang grupo na maghain ng hiwalay na administrative case sa Ombudsman laban sa tariff commission.
Aniya kinakailangan na makita ang criminal liability ng komisyon dahil sa hindi ginampanan ang mandato sa pagpapatupad ng tamang proseso bago magpalabas ng kautusan.