LEGAZPI CITY – Bigo ang mga kawatan na maitakas ang sasakyang pagmamay-ari ng isang public school teacher mula sa garahe ng bahay nito sa Brgy. Central, Donsol, Sorsogon.
Laking pasasalamat ng biktimang si Al Caramoan, 51-anyos matapos na maibalik sa kaniya ang pagmamay-aring sports utility vehicle (SUV) na may plakang P5F871 na pwersahang itinakas ng mga suspek.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Police Regional Office 5, agad umanong nagpasaklolo si Caramoan sa pulisya ng Donsol kaya’t mabilis na nakipag-coordinate sa himpilan ng pulis sa mga katabing bayan.
Habang nagsasagawa naman ng checkpoint ang Pilar PNP sa Maharlika Highway ng Brgy Putiao, namataan ang sasakyan ni Caramoan at pinara ito.
Arestado ang mga sakay ng SUV na sina Robert Tiburcio, 27, isang car rental owner at pasaherong si Chris Dennis Del Rosario, 31, negosyante at pawang residente ng Bunsuran, Pandi, Bulacan.
Samantala, nai-turnover na ng Pilar PNP sa Donsol ang dalawa para sa kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy naman ang follow-up investigation sa nangyari.