Gumawa na ng aksyon ang Sangguniang Barangay ng Upper Binogsacan sa Guinobatan, Albay kasunod ng mga reklamong natatanggap mula sa mga residente patungkol sa dumaraming langaw sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Department of Tourism Head Noel Samar, nagsagawa ng special session ang Sangguniang Barangay kasama ang mga representative at tagapagsalita ng Six in One Corporation na isa sa mga poultry farm na tinuturong dahilan ng pagdami ng langaw sa nasabing bayan.
Ayon kay Samar, napag-usapan sa session ang mga posibeng hakbang na gagawin upang hindi na maapektuhan pa ang mga residente.
Kasama rito ang pagbuo ng Monitoring Team sa isalim ng inaprubahang Barangay Resolution na layong agad na maipagbigay alam sa mga namamamahala kung nagkakaroon ng kapabayaan ang mga empleyado ng nasabing na poultry farm.
Ito’y matapos na maperwisyo ang nasa apat na barangay kasama na ang dalawang eskwelahan, kung saan nagiging kaagaw na umano ng mga residente sa pagkain ang mga langaw.
Sinasabi namang dahil sa kapabayaan ng mga empleyado o posibleng tinipid ng contractor ng fly control ang ginagamit na gamot upang mapatay ang mga insekto.
Ani Samar, nakita naman nila ang sensiridad ng namamahala sa manukan upang maisaayos ang negosyo sa kanilang lugar at hindi na ito makaapekto pa lalo na at banta ito kalusugan.
Sa ngayon, tinanggal na umano ang contractor ng fly control upang masigurong masosolusyunan na ang mga reklamo at para sa ikakabuti ng mga residente.