LEGAZPI CITY- Kinakailangan umanong sabayan ng mas maayos na serbisyo sa publiko ang pagtataas ng sahod ng mga government employees matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 salary standardization law.
Ang naturang salary increase ang ibibigay sa pamamagitan ng apat na tranches na magsisimula ngayong 2020 hanggang sa 2023.
Ayon kay Civil Service Commissioner Atty. Aileen Lizada sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangang pagbutihin ng mga empleyado sa lahat ng sanga ng pamahalaan ang kanilang serbisyo.
Ito ay kaugnay pa rin ng mga reklamong natatanggap ng ahensya hinggil sa hindi maayos na pakikitungo ng mga government employees sa mga humihingi ng asistensya sa pamahalaan kaya muli nitong ipinaalala ang Section 4 ng RA 6713 o Norms of Conduct of Public Officials and Employees.
Dagdag pa ni Lizada na dapat lamang na ipakita ng mga government workers ang kanilang dedikasyon sa trabaho lalo pa at ang mamamayan umano ang nagpapasahod sa mga ito.